Ano ang Mga Limang Haligi ng Islam?
1. Shahada (Ang Pagpapatotoo)
Mayroong limang haligi ng Islam, ang una ay ang pagpapatotoo o pagpapahayag ng pananampalataya, ang shahadah, isang simpleng pormula na binibigkas ng lahat ng mga nananampalataya: “Walang diyos maliban sa Allah, at si Muhammad ay ang alipin at Sugo ng Allah.” Ang mga salitang ito ay dapat bigkasin nang may tapat at matibay na pananalig at hindi sa ilalim ng pamimilit. Ang kahalagahan ng patotoong ito ay ang paniniwala na ang tanging layunin ng buhay ay maglingkod at sumunod sa Diyos, at ito ay nakakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Propeta Muhammad (s.a.w.), ang sugo sa buong sangkatauhan hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Ang sinumang magpahayag ng shahadah ay isang Muslim kahit na hindi niya sinusunod ang iba pang mga tungkulin na ipinag-uutos sa mga Muslim sa Islam.
2. Salah (Limang Araw-araw na Pagdarasal)
Ang pang-araw-araw na pagdarasal ay isinasagawa ng limang beses sa isang araw bilang isang tungkulin kay Allah. Pinalalakas at pinalalalim nila ang paniniwala kay Allah at binibigyang inspirasyon ang tao (na tumutok)sa mas mataas na moralidad. Ang salah ay nagpapadalisay sa puso at pinipigilan ang madala sa mga tukso sa mga maling gawain at kasamaan. Ang mga lalaking Muslim ay lubos na hinihikayat na isagawa ang kanilang limang araw-araw na pagdarasal sa moske nang magkakasama. Ang mga babaeng Muslim ay malayang magdasal kung saan ito pinaka-maginhawa.
3. Sawm (Pag-aayuno)
Pinapanatili ng mga Muslim ang kahalagahan ng Ramadan, ang buwan ng pag-aayuno, hindi lamang sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkain, inumin, at pagtatalik ng mag-asawa mula madaling araw hanggang sa paglubog ng araw kungdi pati na rin sa pag-iwas sa masasamang hangarin at pagnanasa. Itinuturo nito ang pagmamahal, katapatan, at debosyon. Nililinang nito ang isang maayos na konsensyang panlipunan, pagpapasensya, pagiging hindi makasarili, at determinasyon. Tinutulungan din nito ang mga mayayaman na maunawaan ang kahirapan ng mga nagdurusa sa gutom.
4. Zakah (Pagpapadalisay ng Kayamanan)
Ang pagsamba sa Islam ay hindi limitado sa espirituwal na kaharian lamang. Ang mga materyal na obligasyon ay ipinag-uutos sa mga may kakayahang isagawa ito. Ang Zakah ay ang taunang pagbabayad ng 2.5% ng netong ipon at komersyal na ari-ariang mayroon ang isang tao sa loob ng isang taon bilang tungkuling panrelihiyon at bilang pagpapadalisay ng yaman ng isang tao. Ang kabuuan ay direktang gagastusin sa mga mahihirap na pangkat ng komunidad. Ang mga Muslim ay kinakailangang tumulong sa mga mahihirap, mga ulila, at nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang tiyak na halaga ng pera upang mapaginhawa ang kanilang buhay sa pagtatangkang alisin ang hindi pagkakapantay-pantay (sa lipunan). Palaging hinihikayat ng Islam ang mga Muslim na ibahagi ang kanilang mga materyal na pagpapala sa mga mahihirap. Ang pinakamababa sa pagbabahaging ito ay ang pagbibigay ng zakah.
5. Hajj (Banal na Paglalakbay sa Makkah)
Ang tungkuling ito ay dapat gampanan minsan sa isang buhay kung ang isang tao ay may mga kakayahang pangkalusugan at pinansyal upang magawa ito. Sa nakalipas na 1,400 taon, ang Islamikong himala ng tunay na kapatiran ng lahat ng lahi at bansa ay nakitang nagaganap habang ang mga Muslim ay nagtitipon para sa banal na paglalakbay, Hajj, taun-taon sa sagradong lungsod ng Makkah kung saan matatagpuan ang Bahay ng Allah, ang Ka’bah. Bilang ang tanging lugar ng hajj at direksyon na hinaharap sa limang araw-araw na pagdarasal, ang Ka’bah, na isang sinaunang gusaling hugis kubiko mula pa noong panahon ni Abraham, ay iniikot na ngayon ng humigit-kumulang tatlong milyong Muslim bawat taon, na ang lahat ay nakasuot ng puting damit, sa panahon ng Hajj.
Ito ang mga ritwal na obligasyon sa Islam, na ang bawat isa ay may panloob na espirituwal na epekto sa mga tapat: samakatuwid, ang pananampalataya at katapatan ay mahalagang bahagi ng mga gawaing ito. Bilang karagdagan sa mga ritwal na obligasyong ito, ang mga Muslim ay nagsasagawa ng mga personal na panalangin na tinatawag na dua.
3