Pagdarasal at Panawagan sa Pagdarasal
Ang limang araw-araw na pagdarasal na isinasagawa ng mga Muslim ay sentro ng pagsasabuhay ng Islam. Pagkatapos magsagawa ng wudhu, na isang pisikal na paghahanda kung saan hinuhugasan ang mga bahagi ng katawan tulad ng mukha, braso at paa, ang pagdarasal ay magsisimula at kinabibilangan ng mga itinakdang galaw at pagbigkas ng mga bersikulo mula sa Qur’an sa orihinal nitong anyo ng wikang Arabo. Ang isang siklo ng pagdarasal ay tinatawag na rakah, at iba’t ibang bilang ng rakah ay isinasagawa para sa bawat oras ng pagdarasal.
Ang pagdarasal sa Islam ay nagsasangkot ng katawan, isip, at kaluluwa sa isang gawa ng pag-alala at pagsuko sa gitna ng mga pang-araw-araw na gawain. Ito ay ilang minutong naghihiwalay sa mga alalahanin ng pang-araw-araw na makamundong buhay at maaaring magdulot ng kapayapaan at layunin sa iba pang mga aktibidad. Ukol naman sa paraan ng pagdarasal bilang isang kongregasyon, ang mga Muslim ay nakalinya nang balikat sa balikat na sumisimbolo sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng nananampalataya.
Ang oras ng mga pagdarasal ay kinakalkula ayon sa paggalaw ng araw: halimbawa, ang oras ng pagdarasal sa tanghali ay nagsisimula kapag ang araw ay lumampas sa tugatog nito sa lokasyon ng isang tao. Samakatuwid, ang oras para sa mga pagdarasal na ito ay nagbabago ayon sa pagbabago ng mga panahon alinsunod sa kung saan matatagpuan ang isa sa mundo. Kaya, walang kahit isang sandali na walang pagdarasal na isinasagawa sa buong mundo. Upang ipaalala sa mga tao ang mga oras ng pagdarasal, ang panawagan sa pagdarasal (adhan) ay binibigkas sa wikang Arabo na nagmumula sa minaret. Ito ay ginagawa ng muazzin na pinili para sa gawain na ito batay sa kakayahan sa pagbigkas at mabuting pagkatao. Ang pinakaunang muazzin ay si Bilal, isang itim na Muslim na mula sa Ethiopia na, isang kasama ni Propeta Muhammad (s.a.w.) na kilala sa kanyang magandang boses.
6