Ang Ating Mga Responsibilidad sa Kapaligiran
Ang sansinukob, kasama ang lahat ng may buhay at walang buhay na bahagi nito, ay mahalaga at naglalaman ng kakaibang balanse at kahanga-hangang integridad. Ang Banal na Qur’an ay nagsasaad: “Hindi ninyo ba nakikita na ang anumang nasa langit at lupa ay ginawa ng Allah para sa inyo at lubos na ipinagkaloob sa inyo ang Kanyang mga biyaya, [kapwa] nakikita at hindi nakikita?” (Luqmān, 31:20). Tayong mga tao ay nakikinabang sa hindi mabilang na buhay na mga bagay, halaman at hayop; gayunpaman, hindi natin maaaring angkinin sila; sapagka’t ang Allah ang Panginoon at May-ari ng anumang bagay na umiiral (As-Sāffāt, 37:5). Inuutusan ng Allah ang mga tao na igalang ang mga karapatan ng bawat nilikha bilang sila ay ipinagkatiwala sa kanila para sa kanilang paglilingkod (Al-Ahzāb, 33:72). Samakatuwid, mayroon tayong ilang mga responsibilidad sa kapaligirang ating ginagalawan. Itinuturo sa atin ng Islam na hindi tama ang pagtingin sa mga hayop bilang pinagmumulan lamang ng pagkain. Kahit na sila ay nilikha para sa ating kapakinabangan at paglilingkod, lahat sila ay may halaga at diwa bilang tinatanggap nila ang kanilang pagkabuhay mula sa Allah, ang Tagapaglikha. Ang ganitong kamalayan ay inaasahan sa mga Muslim sa kanilang pakikipag-ugnayan sa kapaligiran. Kung tayo, bilang mga tao, ay magpipilit na labagin ang mga banal na utos at mga moral na alituntunin sa ating pakikipag-ugnayan sa kapaligiran, ang kaayusan ng mundo ay hindi maiiwasang magambala. “Ang katiwalian ay lumaganap sa lupa’t dagat bilang resulta ng ginawa ng mga kamay ng mga tao, kaya’t sa gayon ay ipapatikim sa kanila ng Allah ang mga kahihinatnan ng ilan sa kanilang mga gawain at marahil ay magbabalik sila sa Matuwid na Landas.” (Ar-Rūm, 30:41).
Ang mga bersikulo ng Qur’an at ang mga hadith ng Propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagtuturo sa atin kung paano ituring ang mga hayop at halaman na bumubuo sa kapaligirang ating ginagalawan. Ipinagbabawal ng Propeta Muhammad (s.a.w.) ang pag-dumi sa mga lugar na pinagkukunan ng tubig , sa mga lansangan, at sa lilim ng mga puno kung saan ang mga tao ay sumisilong at nagpapahinga (Ibinahagi ni Abi Dawud , Tahara, 14). Binabalaan niya tayo laban sa pag-aaksaya ng mga yamang tubig. Minsan nadaanan niya si Sa’d habang ito’y nagsasagawa ng wudu o paghuhugas para sa pagsamba, at siya’y nagtanong: “Ano’ng pag-aaksaya ito?” Nagtanong si Sa’d: “Mayroon bang pag-aaksaya sa paghuhugas para sa pagsamba?” Ang Propeta ay sumagot: “Oo, kahit na ikaw ay nasa pampang ng umaagos na ilog” (Ibinahagi ni Ibn Majah, Tahara, 48). Sa ngayon sa isang mundo kung saan ang tagtuyot, pag-init ng mundo, pagbaba ng mga yamang tubig at pagkakaroon ng polusyon sa hangin, at mga katulad nito ay dumarami, dapat mas maingat nating pakinggan kung ano ang sinasabi ng Islamikong katuruan tungkol sa pagdudulot ng polusyon sa kapaligiran, labis na pagkonsumo, at pagkonsumo ng mga likas na yaman nang walang pananagutan.
Sa pagprotekta at rehabilitasyon ng buhay na kapaligiran, sinabi ng Propeta Muhammad (s.a.w.) ang mga sumusunod: “Kung ang Huling Oras ay dumating habang ikaw ay may isang suloy ng halaman sa iyong mga kamay at posibleng maitanim ito bago dumating ang Huling Oras, dapat mo itong itanim. “(Ibn Hanbal, III, 184 ), at “Walang sinuman sa mga Muslim ang nagtatanim ng isang puno o naghahasik ng mga punla, at ang isang ibon, isang tao o isang hayop ay kumakain mula rito, nang hindi ito itinuturing na isang kawanggawa mula sa kanya.” (Sahih al-Bukhari, Adab, 27) Ayon sa Islam, tayong mga tao ay may mga responsibilidad sa lupa; dapat itong buhayin, linangin at gawing kapaki-pakinabang para sa mga bagay na may buhay. Hinggil dito, ang Propeta Muhammad (s.a.w.) ay nag-uutos ng mga sumusunod: “Sinuman ang may lupa, hayaan siyang magsaka; kung hindi niya kaya, hayaang ibigay niya ito sa kanyang kapwa upang linangin.” (Bukhari, Muzara’ah, 18).
Dapat pagnilayan ng mga Muslim sa kanilang buhay na ang bawat hayop mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki ay mahalaga bilang isang nilalang na nilikha ng Allah, at sila’y ipinagkatiwala Niya sa atin. Ang Propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagtuturo sa mga Muslim na protektahan ang mga hayop sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tirahan, paglilinis at nutrisyon. Kung sila ay magkasakit, kailangan silang alagaan nang maayos. Hindi niya pinahintulutan ang mga sinasakyang hayop na labis na magtrabaho, ipinag-utos niyang panatilihing malinis ang mga kulungan ng tupa, at ginamot din niya mismo ang mga sugat ng mga hayop.
Ipinagbabawal ng Islam ang lahat ng uri ng kalupitan sa mga hayop. Kaya’t ang Propeta ay nakapagbigay ng sumusunod na pananalita: “Kung ang isang tao ay pumatay ng kahit isang maya, o anumang mas malaki, nang walang makatarungang dahilan, tatanungin siya ng Dakilang Allah tungkol dito sa Araw ng Muling Pagkabuhay” (Ibinahagi ni Al-Nasā’ī, Dahaya, 42). Mahigpit niyang ipinagbawal ang pananakit sa mga hayop (Ṣaḥīḥ Muslim, Jihad, 32 ); ipinag bawal din niya ang pagpatay sa mga aso maliban kung sila ay nagiging banta ng panganib sa mga tao (Ibn Majah, Sayd, 2), gayundin ang pagpapalaban sa mga hayop para sa libangan at paggamit sa kanila bilang mga patamaang tabla (Muslim, Zebâih, 58; Abu Dâwûd, Jihâd, 51).
Isinalaysay ng Propeta Muhammad (s.a.w.) ang kuwento ng isang lalaki na bumaba sa isang balon sa disyerto at pinuno ang kanyang sapatos ng tubig upang ibigay ito sa isang aso na dinidilaan ang lupa dahil sa uhaw. Nasiyahan ang Allah sa pag-uugaling ito at pinatawad siya (Ṣaḥīḥ al-Bukhārī, Musaqah, 9). Ang Propeta ng Islam (s.a.w.) ay nagsalaysay sa atin ng isa pang kuwento tungkol sa isang babae na nagalit sa kanyang pusa, at ikinulong ito hanggang sa mamatay ang kawawang hayop sa gutom. Ang babaeng iyon, ang sabi sa atin ng Propeta, ay nararapat na maparusahan ng walang hanggan para sa pag-uugaling ito. Ṣaḥīḥ Muslim, Salam, 152 ). Habang ang lalaking nagpainom sa aso ay ginantimpalaan sa paggalang sa karapatang mabuhay nito, ang babaeng ikinulong ang pusa ay pinarusahan dahil sa pagkakait niya rito ng parehong karapatang mabuhay. Samakatuwid, ang mga Muslim ay inaasahang protektahan ang bawat buhay na nilalang sa mundo.
Nang dumaan sa isang kamelyo na bumagsak ang likod sa tiyan dahil sa gutom, ang Propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi ng sumusunod, “Matakot kayo sa Allah hinggil sa mga hayop na ito na hindi makapagsalita.” Sakyan sila habang sila ay malusog, at kainin sila habang sila ay malusog” (Ibinahagi ni Abī Dāwūd, Jihad, 44).
Sa isang paglalakbay, nakita ng ilang kasama ang dalawang inakay na ibon at kinuha ang isa sa mga ito. Napansin ng Propeta (s.a.w.) ang kanilang ina na lumilipad sa paghahanap ng inakay nito at nagsabi: “Sino ang nagpadalamhati para sa kanyang mga anak?” Ibalik mo ang mga anak ng ibon.” (Ibinahagi ni Abi Dawud 2675). Sa isa pang pagkakataon, habang siya ay patungo sa pagsakop sa Makkah kasama ang kanyang hukbo, nakita niya ang isang babaeng aso sa kalsada, kupkop-kupkop ang kanyang mga tuta at nagpapasuso sa kanila. Agad niyang inatasan ang isa niyang kasama na tumayo sa tabi ng mga aso at nag-utos na walang sinuman sa mga sundalo ang hahawak sa aso at ang mga tuta nito. (Waqidi, II, 804)
Ang Propeta (s.a.w.) ay hindi sumang-ayon sa anumang pisikal na karahasan laban sa mga hayop, o kahit sa anumang masamang pananalita sa kanila. Minsan ay inatasan niya ang isang babae na nagmumura sa kamelyong kanyang sinasakyan na bumaba sa hayop at palayain ito (Ṣaḥīḥ Muslim, Birr, 80).
Hinihikayat tayo ng Islam na maging mahabagin at mabuti sa lahat ng nilalang; at kasabay nito ay panatilihin ang kahanga-hangang balanse ng kalikasan na nilikha ng Allah, ang Tagapaglikha (swt) Ang Huling Propeta ay nagsabi: “Ang Allah ay mahabagin sa mga nagpapakita ng habag sa iba. Maging mahabagin sa mga nasa lupa, upang ang Isa sa itaas ng mga kalangitan ay maging mahabagin sa inyo.” (Tirmidhi, Birr, 16) . Sa madaling salita, mahigpit na ipinagbabawal ng Islam ang anumang pag-uugali na nakakagambala sa banal na balanse ng kalikasan at nakakapinsala sa integridad nito (Al-A’rāf 7:56). Ang mga Muslim ay dapat magkaroon ng kamalayan sa tunay na halaga ng bawat nabubuhay na nilalang bilang likha at tanda ng Allah, dahil silang lahat ay ipinagkatiwala sa atin bilang Kanyang mga tagapamahala (Khalifa) sa mundo.
1