Mula sa Huling Sermon:
“Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah.” Pinupuri natin Siya, hinihingi ang Kanyang tulong, hini hingi ang Kanyang kapatawaran at bumabaling sa Kanya. Humihingi tayo ng kanlungan sa Allah mula sa kasamaan ng ating mga sarili at makasalanang pag-uugali. Ako ay sumasaksi na walang ibang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah, at ako ay sumasaksi na si Muhammad (s.a.w. ) ay Kanyang alipin at sugo.
O, mga lingkod ng Allah! Itinatagubilin ko sa inyo na matakot sa Allah, at sumunod at magpasakop sa Kanya. At sa gayon sinisimulan ko ang aking mga salita sa pinakakapaki-pakinabang na bagay.
O, mga tao! Pakinggan ang aking mga salita. Hindi ko alam, baka pagkatapos ng taong ito, tuluyan na nating lisanin ang mundong ito.
O, mga tao! Katulad ng pinagpalang araw (Ang Araw ng Arafah), tulad ng pinagpalang buwan (Dhu-l Hijjah), tulad ng pinagpalang lungsod (Makkah): ang inyong buhay, ari-arian at kalinisang-puri ay kasing-pinagpala rin at hindi dapat labagin; protektado mula sa anumang pag-atake.
Mga kasama ko! Bukas ay makikilala ninyo ang inyong Panginoon at kayo ay mananagot sa lahat ng inyong ginawa ngayon.
Mga kasama ko! Ang mga hiniram na bagay ay dapat ibalik sa kanilang may-ari. Ang mga bagay na ipinagkatiwala para gamitin ay dapat ding ibalik sa kanilang mga may-ari. Ang mga utang ay dapat bayaran. Ang nangakong magbabayad ng utang ng isang tao ay dapat ding magbayad ng utang na iyon. Kung sino man ang may ipinagkatiwala sa kanya ay ibalik ito sa may-ari nito. Matakot sa Allah, ang inyong Panginoon, at paglingkuran Siya. Isagawa ang inyong pagdarasal limang beses sa isang araw. Mag-ayuno sa buwan ng Ramadhan, magsagawa ng hajj, at magbigay ng zakat (obligadong limos) ng inyong mga ari-arian nang may mabuting puso. Sundin ang inyong mga pinuno hangga’t sila ay sumusunod sa banal na aklat ng Allah, nang sa gayon ay makapasok sa paraiso ng inyong Panginoon.
Mga kasama ko! Lahat ng uri ng interes ay tinanggal . Ngunit ang orihinal na utang ay dapat ibalik. Huwag mang-aapi at huwag magpa-api. Ang paglalagay ng interes sa utang ay ipinagbabawal na ngayon ayon sa utos ng Allah. Ang lahat ng uri ng pangit na kaugaliang ito na minana mula sa panahon ng kamangmangan ay tinanggal na ngayon. Ang unang interes na inalis ko ay ang interes ng aking tiyuhin na si Abbas, anak ni Abdul Muttalib. Ang lahat ng mga awayan ng pamilya mula sa panahon ng kamangmangan ay tinanggal na. Ang unang away pamilya na binuwag ko ay ang away ng apo ni Abdul Muttalib na si Rabia. Ang mga tungkulin ng pamahalaan na may kaugnayan sa lungsod ng Makkah mula sa panahon ng kamangmangan ay binuwag. Ang pangangalaga ng Kaaba (sidana) at ang pamamahagi ng tubig (siqaya) sa mga nagsasagawa ng banal na paglalakbay ay hindi kasama rito.
O, mga tao! Ngayon, nawalan ng kapangyarihan ang demonyo na muling itatag ang kanyang paghahari sa inyong mga lupain magpakailanman. Gayunpaman, bukod sa mga bagay na ipinagbawal ko, kung susundin ninyo siya sa mga bagay na sa tingin ninyo ay maliit, ito ay ikalulugod niya. Iwasan ang mga ito para protektahan ang inyong relihiyon.
O, mga tao! Pinapayuhan ko kayo na igalang ang mga karapatan ng kababaihan at matakot sa Allah sa bagay na ito. Kinuha ninyo ang mga kababaihan bilang ipinagkatiwala mula sa Allah, ginawa ninyong halal (pinahihintulutan) ang kanilang kagandahang-asal sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangako sa ngalan ng Allah (kasal)! Mayroon silang mga karapatan sa inyo tulad ng pagkakaroon ninyo ng mga karapatan sa mga kababaihan. Ang inyong karapatan sa mga kababaihan ay dapat nilang protektahan ang kanilang kalinisang-puri at hindi nila dapat hayaan ang sinumang hindi ninyo pinahihintulutan na gumawa ng bagay nang walang pahintulot ninyo (huwag nilang hayaang dungisan ang inyong dangal). May karapatan din ang mga kababaihan sa inyo. Tungkulin ninyong bigyan sila ng pagkain at damit sa loob ng makatwiran at kilalang mga hakbang. Pakitunguhan ang mga kababaihan sa pinakamahusay na posibleng paraan.
O, totoong mga mananampalataya! Pakinggang mabuti ang aking mga salita at huwag kalimutan. Ang isang Muslim ay kapatid ng isa pang Muslim, at sa gayon ang lahat ng mga Muslim ay magkakapatid. Hindi halal ang pakikialam sa anumang karapatan na pagmamay-ari ng inyong kapatid sa pananampalataya. Maliban na lamang kung kusang-loob niya itong ibinigay.
Mga kasama ko! Huwag rin ninyong pahirapan ang inyong sarili! Ang inyong sarili ay may karapatan din sa inyo. Ang bawat isa ay may pananagutan lamang para sa kanilang sariling mga kasalanan. Ang ama o ang anak ay hindi maaaring managot sa mga kasalanan ng isa’t isa.
Huwag kailanman bumalik sa mga lumang kabuktutan kapag wala na ako at huwag magpatayan! Iniiwan ko sa inyo ang bagay na kung hawak ninyo ito nang mahigpit ay hindi kayo maliligaw nang landas, at iyon ay ang banal na aklat ng Allah, ang banal na Qur’an, at ang sunnah ng Kanyang Propeta. Hayaang ipahayag ng mga naririto ang aking testamento sa mga wala rito! Maaaring mas mauunawaan ito ng taong nakaalam kaysa sa naririto at maaari niyang ingatan at isabuhay ito.
O, mga tao! Mayroon kayong isang panginoon at isang ninuno. Kayong lahat ay nagmula kay Adan, at si Adan ay nilikha mula sa alikabok. Ang pinaka-iginagalang at pinakamahalaga sa inyo sa harapan ng Allah ay ang taong higit na nakakaalam sa kanyang mga responsibilidad at may taqwa (malalim na paggalang sa Allah). Ang mga Arabo ay hindi nakahihigit sa mga hindi Arabo. At ang mga hindi Arabo ay hindi nakahihigit sa mga Arabo. Ang mga may puting balat ay hindi nakahihigit sa mga taong may itim na balat at ganoon din sa iba. Ang kataasan ay nasusukat lamang sa halaga ng paggalang na mayroon kayo para sa Allah.
Pagkatapos nito ay sinabi ng Propeta (s.a.w.): “Kayo ay tatanungin tungkol sa akin. Paano kayo tutugon?” Ang mga Kasamahan ay nagsabi, “Kami ay sumasaksi na ipinarating mo ang mensahe ng Allah, tinupad mo ang iyong misyon ng pagiging propeta, at ibinigay sa amin ang iyong kalooban at payo.” Habang nakaturo ang kanyang hintuturo sa langit, ang Propeta Muhammad (s.a.w .) ay nagsabi: “Maging saksi, aking Panginoon!” Maging saksi, aking panginoon! Maging saksi, aking panginoon!”