Ang Qur’an: Ang Huling Rebelasyon
Ang Qur’an ay ang banal na aklat ng mga Muslim na naniniwala na ang kumpletong teksto nito ay dumating sa pamamagitan ng rebelasyon. Ang bawat salita nito ay ipinahayag sa wikang Arabo ng Allah (Diyos) kay Propeta Muhammad (s.a.w.) sa pamamagitan ng Arkanghel Gabriel sa loob ng dalawampu’t tatlong taon noong ika-7 siglo. Ang rebelasyon ng Qur’an ay nagsimula noong ang Propeta (s.a.w.) ay apatnapung taong gulang. Ito ay binubuo ng humigit-kumulang 600 na mga pahina, na may 114 na mga kabanata at 6,236 na mga bersikulo. Ang haba ng mga kabanata ay iba-iba, kung saan ang ang pinakamahabang kabanata ay mayroong 286 na mga bersikulo at ang pinakamaikling kabanata ay may tatlo lamang.
Dahil ang Propeta Muhammad (s.a.w.) ay isang taong hindi marunong bumasa at sumulat, ang kanyang mga naunang tagasunod ay masigasig na isinaulo at itinala ang bawat rebelasyon kung paano ito ipinahayag. Ang Qur’an ay nakumpleto na at marami na ang nakasaulo ng kabuuan nito noong pumanaw na ang Propeta (s.a.w.). Sa loob ng dalawang taon pagkatapos ng pagpanaw ng Propeta (s.a.w.), ang unang khalifah, si Abu Bakr, ay pinagsama-sama ang Qur’an sa isang manuskrito na naging batayan para sa mga awtorisadong edisyon na ipinamahagi sa bawat lalawigan ng Muslim sa panahon ng pamumuno ni Uthman, ang ikatlong khalifah. Kamangha-mangha, ang ilan sa mga naunang manuskrito na iyon ay napanatili at maaari pa ring silipinn sa mga museo ngayon. Alinsunod dito, ang pagiging tunay sa kasaysayan ng Qur’an ay maaaring mapatunayan, sa katunayan ito ay napanatili nang may lubos na pag-iingat kaya mayroon lamang isang awtorisadong bersyon nito (sa wikang Arabo).
Ang literal na kahulugan ng salitang “Qur’an” ay pagbigkas. Bilang karagdagan, ang unang bersikulo ng Qur’an na ipinahayag kay Propeta Muhammad (s.a.w.) ay, “Bumasa, sa ngalan ng iyong Panginoon, ang Tagapaglikha….” Habang ang mga naunang banal na Kasulatan ay isinulat at ipinasa sa pamamagitan ng isang piling grupo ng mga pari at mga tagasulat, na karaniwang nangyayari matapos ang mahabang panahon mula ng pumanaw ang tagapagtatag ng relihiyon, ang isang utos na ganito kay Muhammad na, tulad ng karamihan sa kanyang panahon, hindi marunong bumasa o sumulat, ay nag-hudyat ng pagsisimula ng isang bagong panahon sa komunikasyon, pag-aaral, at pag-unlad. Dahil dito, naniniwala ang mga Muslim sa orihinal na anyo ng lahat ng ipinahayag na aklat na binanggit sa Qur’an: ang Torah ni Moises, Mga Awit ni David, at ang mga Ebanghelyo ni Hesus. Binanggit din ng Qur’an ang mga Pergamino (Scrolls) ni Abraham.
Dahil ang mga kapanahon ni Moises ay mga dalubhasa sa mahika, ang kanyang pangunahing himala ay ang talunin ang pinakamahuhusay na salamangkero ng Egypt sa kanyang panahon. Ang mga kapanahon ni Hesus ay kinilala bilang mga dalubhasang manggagamot; samakatuwid, ang kanyang himala ay pagalingin ang mga sakit na walang lunas. Ang mga Arabo, na mga kapanahon ni Propeta Muhammad (s.a.w.), ay kilala sa kanilang mahusay na pagsasalita at kahanga-hangang tula. Alinsunod dito, ang pangunahing himala ni Propeta Muhammad (s.a.w.) ay ang Qur’an, na ang katumbas nito ay hindi kayang gawin ng buong hukbo ng mga Arabong makata at mananalumpati, sa kabila ng paulit-ulit na hamon mula sa Qur’an mismo:
“Sabihin, kung ang buong sangkatauhan at mga jinn ay magtitipon-tipon upang makagawa ng katulad nitong Qur’an, hindi sila makakagawa ng katulad nito, kahit na sila’y magbigay sa isa’t isa ng tulong at suporta.” (Qur’an 17/88)
Ang Qur’an ay iginagalang ng mga Muslim bilang huling Kasulatan ng Diyos. Ang mga bersikulo nito ay buong pagmamahal na binibigkas, isinasaulo, at ipinapatupad ng mga Muslim sa lahat ng nasyonalidad mula nang ito ay ipahayag. Ang mga bersikulo ng Qur’an ang binabasa ng mga Muslim sa kanilang limang araw-araw na pagdarasal. Ang mga tapat ay nabibigyan ng inspirasyon, naaaliw, at kadalasang napapaluha dahil sa kahusayan sa pagsasalita at matalinghagang paglalarawan nito.
Sa nakalipas na labing-apat na siglo, ang mga Muslim sa buong mundo ay nagsulat ng mga bersikulo ng Qur’an sa iba’t ibang magagandang anyo ng kaligrapiya, na pangunahing ginawa at pinagbuti ng mga Turkong Ottoman. Sa katunayan, sa Istanbul ginawa ang pinakamahuhusay na mga eskriptong kaligrapiko. Kaya’t ang isang tanyag na kasabihan ay nagsasabi: “Ang Qur’an ay ipinahayag sa Makkah, binigkas sa Egypt, at isinulat sa Istanbul.” Karagdagan sa kagandahan nito, ang Qur’an ay naglalaman ng maraming mga bersikulo na tumpak na naglalarawan ng natural na kababalaghan sa iba’t ibang larangan tulad ng astronomiya, heolohiya, at embryolohiya. Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga paglalarawan nito ay di-maipaliwanag na wasto para sa isang aklat na nagmula noong ika-7 siglo. Natural, ang tunggalian na lumitaw sa Europa noong Gitnang Kapanahunan (Middle Ages) sa pagitan ng pananampalataya at katwiran, relihiyon at agham, ay hindi lumitaw sa Islam. Ang Qur’an sa maraming bersikulo nito ay paulit-ulit na naghihikayat sa mga tao na magnilay-nilay at gamitin ang kanilang katalinuhan. Bagamat hindi ito isang aklat-aralin sa siyensiya, ang mga bersikulo nito ay nagtuturo sa mga tao na pagnilayan ang kaluwalhatian ng Diyos habang itinatampok ang mga kamangha-manghang kalikasan o mga aral mula sa kasaysayan.
Naniniwala ang mga Muslim na ang Qur’an ay isang buhay na rebelasyon para sa makabagong panahon, na nagpapahintulot na ito’y muling maihayag ang sarili sa paglipas ng panahon. Dahil ang Qur’an ay isang natatanging mensahe mula sa Tagapaglikha sa sangkatauhan, ang isang nag-iisip tungkol sa layunin ng buhay at kahulugan ng pag-iral ay masusumpungan na ito ay isang napakahusay na gabay. Ang pambungad na kabanata (al-Fatiha), na inilarawan bilang pinakadiwa ng Qur’an, ay nagsasaad:
“Sa ngalan ng Allah, ang Ganap na Mahabagin, ang Ganap na Maawain.
[Ang lahat ng] papuri ay [nauukol] kay Allah, Panginoon ng mga daigdig - Ang Ganap na Mahabagin, ang Ganap na Maawain, Soberano ng Araw ng Paghuhukom.
Ikaw ang aming sinasamba at Ikaw ang aming hinihingian ng tulong.
Patnubayan Mo kami sa tuwid na landas - Ang landas ng mga pinagkalooban Mo ng pabor, hindi ng mga nag-udyok sa [Iyong] galit o ng mga naligaw.”
Ang pangunahing mensahe ng Qur’an ay ang tawagin ang mga tao na bumaling sa Pinagmumulan ng lahat ng nilalang at ang Tagapagbigay ng buhay, at paglingkuran Siya nang may dalisay na puso, walang pagsamba sa diyus-diyusan o pamahiin.Hindi ito sumasang-ayon sa konsepto ng kaligtasan o natatanging pribilehiyo batay sa etnisidad, lahi, o kulay. Ang espirituwal na kaligtasan ng isang tao ay makakamit sa pamamagitan ng pagtatangkang bumawi sa kanyang mga kasalanan at isang tapat na layuning hindi na ulitin ang mga pagkakamali sa hinaharap. Walang opisyal na pagkapari sa Islam, at ang “imam” ay isang payak na may kaalamang pinuno sa pagdarasal; sa Islam ang mga kasalanan ng isang tao ay tangi’t direktang ipinagtatapat sa Tagapaglikha.
Ipinapakilala ng Qur’an ang kanyang sarili bilang gabay para sa buong sangkatauhan. Ito ay hindi para lamang sa anumang partikular na lahi, tao o yugto ng panahon. Iniuugnay nito ang mga argumento nito sa mga pangunahing pagpapahalaga ng pananampalataya at tuntuning moralidad habang sinusuri ang ilang karanasan ng mga bayan sa buong kasaysayan. Hindi nito hinihingi na ang mga tao ay maniwala nang walang pag-unawa, dahil ito ay tumutukoy sa “mga may kamalayan sa Diyos, at yaong mga gumagamit ng kanilang katwiran.” (Qur’an, 30/24). Hinihiling nito sa mga tao na pag-isipan ang kanilang sarili at ang pagkakaroon ng lupa at mga bundok, ulap at langit; ang araw, buwan, at mga planeta sa kanilang mga orbit; at ang paghahalili ng gabi at araw. Hinihiling nito sa atin na pagnilayan ang ating sariling buhay. Hinihiling nito sa atin na pagnilayan ang mga buto na ating inihahasik, ang tubig na ating iniinom, ang pagkain na ating kinakain, at lahat ng iba pang di-mabilang na mga palatandaan ng paglikha. Sa buong Qur’an ay may malaking diin na inilagay sa kaalaman at katwiran bilang wastong paraan sa pananampalataya at kamalayan sa Diyos. Sinasabi nito:“...tanging yaong mga lingkod ng Diyos na nagtataglay ng kaalaman ang siyang tunay na humahanga sa Kanya.” (Qur’an, 35/28)
Sa pangkalahatan, ang Qur’an ay nag-uutos ng mabubuting gawa at nagbabawal sa masasama sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga tao ng isang matuwid na paraan ng pamumuhay. Nagbibigay din ito ng mga kasagutan sa mga pangunahing katanungan ukol sa pag-iral tulad ng kabilang buhay at ang kahulugan ng buhay. Nag-aalok ito sa mga tao ng isang balangkas para sa kanilang pag-iral, kapaligiran, lipunan, at buong nilikha.
sallallaahu alayhi wassallam: sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala; ito ay sinasabi ng mga Muslim bilang panalangin tuwing mababanggit ang mahal na Propeta
1