Sino Ang Isang Muslim? pamplet


buod

Ipinapaliwanag ng brosyur na ito ang kaugnayan sa pagitan ng mga salitang "Muslim" at "Islam". Binibigyang-diin nito na ang pagkakamaling nagawa ng isang Muslim ay personal at hindi sinasang-ayunan ng Islam. Maiikling nakasaad kung paano matatanggap ng isang tao ang Islam at ang mga prinsipyo ng pananampalataya na dapat paniwalaan ng isang tao upang maging isang Muslim. Ang mga katangiang moral ng mga Muslim, ang kanilang mga responsibilidad sa lipunan, ang mga pag-uugali na dapat nilang iwasan, at kung ano ang dapat nilang gawin upang makamit ang isang magandang buhay sa mundong ito at sa Kabilang-Buhay ay ipinaliwanag din kasama ng mga halimbawa mula sa Qur’an.

SINO ANG ISANG MUSLIM?

Ang literal na kahulugan ng Islam ay kapayapaan, kabutihan, seguridad at kaligtasan. Ang Islam ay ang pagsuko ng isang tao sa Allah na may kusang pagsang-ayon. Ang isang taong tumanggap sa Islam bilang kanyang relihiyon at namumuhay ayon sa mga tuntunin nito ay tinatawag na Muslim.

Ang isang tao ay tinatanggap sa Islam sa pamamagitan ng pagbigkas ng kalima shahadah (salita ng pagsaksi); ang kahulugan nito ay ang mga sumusunod: “Ako ay sumasaksi na walang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah; at ako rin ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at sugo.” Ang pinakamababang atas ng pagiging Muslim ay ang maniwala sa mga pangunahing prinsipyo ng Islam mula sa kaibuturan ng puso. Ang mga ito ay ang maniwala sa pagkakaroon at kaisahan ng Allah, sa Kanyang mga anghel, sa mga banal na aklat na ipinadala ng Allah subhanahu wa ta’ala (s.w.t), sa Kanyang mga propeta, sa kabilang buhay at sa kapalaran. Ang isang mu’min (tunay na mananampalataya) ay ang may pananampalataya sa mga prinsipyong ito at hayagang nagpapatunay sa kanyang paniniwala upang makilala bilang isang Muslim sa mundong ito.

Ang isang muslim ay isa ring mu’min dahil tinatanggap niya ang Islam nang buong puso. Ang dalawang salita ay maaaring gamitin nang palitan. Ang mga katangian ng isang mu’min ay binanggit sa iba’t ibang bahagi ng Quran. Responsibilidad ng bawat mu’min na isabuhay ang mga katangiang binanggit sa banal na aklat. Ngunit, hindi laging posible at madali na gawin ito dahil sa likas na kahinaan ng tao; gayunpaman, ang awa at pagpapatawad ng Allah ay walang hanggan. Binanggit sa Banal na Quran ang mga kilalang katangian ng mga mu’min tulad ng sumusunod:

Ang pagiging matuwid ay hindi ang pagharap ninyo sa silangan o sa kanluran, bagkus ang [tunay na] pagiging matuwid ay [nasa] isang naniniwala sa Allah, sa Huling Araw, sa mga anghel, sa Aklat at sa mga propeta; at nagbibigay ng kayamanan sa mga kamag-anak, ulila, nangangailangan, manlalakbay, sa mga humihingi [ng tulong], at sa pagpapalaya ng mga alipin, sa kabila ng pagmamahal sa yaman nito; [at yaong] nananalangin at nagbibigay ng zakat; [yaong] tumutupad sa kanilang pangako kapag sila ay nangako; at [yaong] matiyaga sa kahirapan, suliranin at sa panahon ng labanan. Sila ang mga naging totoo, at sila ang mga matuwid. (Surat Al-Baqarah, 2/177)

At ipinag-utos ng inyong Panginoon na wala kayong sasambahin maliban sa Kanya, at sa mga magulang ay mabuting pakikitungo. Kung ang isa o pareho sa kanila ay umabot sa katandaan [habang] kasama ninyo, huwag kayong magsasabi sa kanila ng [kahit na] “uff,” at huwag ninyo silang itataboy. Bagkus magsalita kayo sa kanila ng marangal na salita.

At ibaba sa kanila ang pakpak ng kababaang-loob dahil sa habag at sabihin, “Panginoon ko, mahabag Ka sa kanila gaya ng pagpapalaki nila sa akin [noong ako ay] maliit pa.” (Surat Al-’Isrā’ 17/23-24)

Yaong mga gumugugol [para sa kapakanan ng Allah] sa panahon ng kaginhawaaan at kahirapan at nagpipigil ng galit at nagpapatawad sa mga tao - At ang Allah ay nagmamahal sa mga gumagawa ng kabutihan;

At yaong mga tao na kapag sila ay nakagawa ng isang kahalayan o nagkasala sa kanilang mga sarili [sa pamamagitan ng pagsuway], ay naaalala ang Allah at humihingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan - At sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Allah? - At [sino] ang hindi nagpatuloy sa kanilang ginawa habang sila ay may kamalayan. (Surat ‘Āli `Imrān, 3/134-135)

Ang mga nananampalataya ay yaon lamang na kapag binanggit ang Allah, ang kanilang mga puso ay natatakot, at kapag ang Kanyang mga bersikulo ay binigkas sa kanila, ang mga ito ay nagpapatibay sa kanilang pananampalataya; At sa kanilang Panginoon, sila ay umaasa -

Yaong mga nananalangin, at mula sa kung ano ang Aming ipinagkaloob sa kanila, sila ay gumugugol. (Surat Al-’Anfāl, 8/2-3)

Sabihin, “Halina, sasabihin ko ang ipinagbawal sa inyo ng inyong Panginoon. [Ipinag-uutos Niya] na huwag kayong magtambal ng anuman sa Kanya, at sa mga magulang, mabuting pakikitungo, at huwag ninyong patayin ang inyong mga anak dahil sa kahirapan; Kami ay magbibigay para sa inyo at sa kanila. At huwag lumapit sa mga kahalayan - kung ano ang maliwanag sa kanila at kung ano ang nakatago. At huwag ninyong patayin ang kaluluwa na ipinagbawal ng Allah [na patayin] maliban sa pamamagitan ng [legal na] karapatan. Ito ay ipinag-utos sa inyo ng Allah upang inyong pag-isipan.”

Huwag hawakan ang ari-arian ng isang ulila maliban kung ito ay para sa kanyang ikabubuti hanggang sa siya ay dumating sa wastong gulang . At magbigay ng makatarungang sukat at timbang. Hindi namin pinapapasan sa sinuman ang higit sa kanyang kakayahan. At kapag ikaw ay sumasaksi , maging makatarungan, kahit na [ito ay tungkol sa] malapit na kamag-anak. At ang kasunduan sa Allah ay tuparin. Ito ay ipinag-utos sa inyo ng Allah upang inyong matandaan.”

At, [higit pa rito], ito ang Aking landas na matuwid, kaya’t sundin ito; at huwag sumunod sa [ibang] mga daan, sapagkat kayo ay mahihiwalay sa Kanyang daan. Ito ay ipinag-utos sa inyo ng Allah upang kayo ay maging matuwid.” (Surat Al-’An`ām, 6/151-153)

Katiyakang magtatagumpay ang mga nananampalataya:

Sila na sa panahon ng kanilang pagdarasal ay mapagpakumbaba na nagpapasakop;

At sila na umiiwas sa masamang pananalita;

At sila na maingat sa zakat;

At sila na nagbabantay sa kanilang mga pribadong bahagi. (Surat Al-Mu’minūn, 23/1-5)

At ang mga alipin ng Pinakamaawain ay yaong mga lumalakad nang malumanay sa ibabaw ng lupa, at kapag ang mga mangmang ay nagsalita sa kanila [nang marahas], sila ay nagsasabi ng [mga salita ng] kapayapaan,

At sila na gumugugol ng [bahagi ng] gabi para sa kanilang Panginoon na nakayuko at nakatayo [sa pagdarasal].

At ang mga nagsasabing, “Aming Panginoon, ilayo sa amin ang kaparusahan ng Impiyerno. Katotohanan, ang kaparusahan nito ay palaging nananatili;

Katotohanan, ito ay napakasama bilang isang tahanan at tirahan.”

At [sila] yaong, kapag sila ay gumugol, sila ay gumugugol nang hindi labis o bahagya bagkus ay palaging, sa pagitan niyan, [makatarungang] katamtaman.

At yaong mga hindi tumatawag ng iba pang diyos kasama ng Allah o pumapatay sa kaluluwa na ipinagbawal ng Allah [na patayin] maliban kung ito ay makatarungan, at hindi gumawa ng ipinagbabawal na pakikipagtalik. At sinumang gumawa niyan ay makakatagpo ng kaparusahan nito.

(Surat Al-Furqān, 25/63-68)

At [sila] yaong mga hindi sumasaksi sa anumang kasinungalingan, at kapag sila ay napadaan malapit sa masamang pananalita, sila ay dumaraan nang may karangalan.

At yaong, kapag pinaalalahanan nang mga bersikulo ng kanilang Panginoon, ay hindi nahuhulog sa kanila na bingi at bulag. (Surat Al-Furqān, 25/72-73)

At huwag ihalo ang katotohanan sa kasinungalingan o itago ang katotohanan habang alam mo [ito].

At itaguyod ang pagdarasal at magbigay ng zakat at yumuko kasama ng mga yumuyuko [sa pagsamba at pagsunod]. (Surat Al-Baqarah, 2/42-43)

 O kayong mga nananampalatayani, iwasan ang maraming [negatibong] pagpapalagay . Katotohanan, ang ilang palagay ay kasalanan. At huwag mag-espiya o manira sa isa’t isa. Gusto ba ng isa sa inyo na kumain ng laman ng kanyang kapatid na patay na? Kasusuklaman ninyo ito. At matakot sa Allah; katotohanan, ang Allah ay Tumatanggap ng pagsisisi at Maawain. (Surat Al-Ĥujurāt, 49/12)

Sabihin, [O mga nananampalataya], “Kami ay naniniwala sa Allah at sa kung ano ang ipinahayag sa amin at sa kung ano ang ipinahayag kay Abraham, Ismael, Isaac, Jacob at sa mga inapo at sa kung ano ang ibinigay kay Moses at Jesus at sa kung ano ang natanggap ng mga propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatangi sa alinman sa kanila, at kami ay yaong mga nagpapasakop sa Kanya.” (Surat Al-Baqarah, 2/136)

At huwag mong insultuhin ang kanilang sinasamba na maliban sa Allah, at baka kanilang insultuhin nang may poot ang Allah nang walang kaalaman. Kaya Aming ginawang kalugud-lugod sa bawat komunidad ang kanilang mga gawa. Pagkatapos ay sa kanilang Panginoon ang kanilang pagbabalik at Kanyang ipapaalam sa kanila ang kanilang ginawa. (Surat Al-’An`ām, 6/108)

Ang mga nananampalatayang lalaki at mga nananampalatayang babae ay mga kapanalig ng isa’t isa. Sila ay nag-uutos ng mabuti, nagbabawal sa kasamaan, nagtataguyod ng pagdarasal, nagbibigay ng zakat, at sumusunod sa Allah at sa Kanyang Sugo. Sila–ang Allah ay magpapakita ng habag sa kanila. Katotohanan, ang Allah ay Dakilang Makapangyarihan at Marunong. (Surat At-Tawbah, 9/71)

Katotohanan, ipinag-uutos ng Allah sa inyo na ibigay ang mga ipinagkatiwala sa mga nararapat dito at kapag kayo ay humatol sa pagitan ng mga tao ay humatol nang may katarungan. Napakahusay ng itinuro sa inyo ng Allah. Katotohanan, ang Allah ay laging Nakakarinig at Nakakakita. (Surat An-Nisa, 4/58)

O sangkatauhan, kumain mula sa anumang nasa lupa [na] pinahihintulutan at mabuti at huwag sundin ang mga yapak ni Satanas. Katotohanan, siya ay malinaw na kaaway para sa inyo. (Surat Al-Baqarah, 2/168)

At yaong mga umiiwas sa malalaking kasalanan at mga kahalayan, at kapag sila ay nagalit, sila ay nagpapatawad,

 At yaong mga tumutugon sa kanilang Panginoon at nagtataguyod ng pagdarasal at nagsasagawa ng kanilang mga gawain sa pamamagitan ng pagsangguni sa isa’t isa, at gumugugol mula sa Aming ibinigay sa kanila,

At yaong, kapag sinaktan sila, ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili (sa makatarungang paraan). (Surat Ash-Shuraa, 42/36-39)

Yaong kapag dinapuan sila ng anumang kapighatian ay nagsasabi: “Katotohanan, kami ay sa Allah, at katotohan sa Kanya kami babalik.”

Sila ang mga pinagkalooban ng mga pagpapala mula sa kanilang Panginoon at habag. At sila ang mga napatnubayan nang tama. (Surat Al-Baqarah, 2/156-157)

Sila ay natutulog nang kaunti lamang sa gabi,

At sa mga oras bago ang bukang-liwayway ay humihingi sila ng kapatawaran,

At mula sa kanilang mga ari-arian ay [ibinigay] ang karapatan ng [nangangailangan na] humihiling at ng pinagkaitan. (Surat Adh-Dhāriyāt, 51/17-19)

[Yaong mga nakadirekta sa Liwanag na ito ay matatagpuan] sa mga bahay (mga moske) na iniutos ng Allah na itayo at kung saan ang Kanyang pangalan ay dapat banggitin; niluluwalhati Siya rito sa umaga at sa gabi

[ng] mga tao na hindi naililihis ng komersyo o pagkita mula sa pag-alala sa Allah at sa pagtataguyod ng pagdarasal at sa pagbabayad ng zakat . Kinatatakutan nila ang Araw kung saan ang mga puso at mga mata ay [takot na] babaligtad -

Upang sila ay gantimpalaan ng Allah [ayon sa] pinakamahusay na kanilang ginawa at pagyamanin sila mula sa Kanyang biyaya. At ang Allah ay nagbibigay ng panustos sa sinumang Kanyang naisin nang walang sukat. (Surat An-Nur, 24/36-38)

At kapag narinig nila ang ipinahayag sa Sugo, makikita mo ang kanilang mga mata na umaapaw sa luha dahil sa katotohanan na kanilang kinikilala. Sila ay nagsasabi, “Aming Panginoon, kami ay naniniwala, kaya’t isulat Mo kami kasama ng mga sumasaksi.” (Surat Al-Maidah, 5/83)

Kaya’t anumang bagay ang ibinigay sa inyo - ito ay [para sa] kasiyahan sa makamundong buhay. Ngunit kung ano ang nasa Allah ay higit na mabuti at higit na tumatagal para sa mga naniniwala at sa kanilang Panginoon ay umaasa

Ito ang Aklat na walang pag-aalinlangan, isang patnubay para sa mga may kamalayan sa Allah Sa mga naniniwala sa hindi nakikita, nagtataguyod ng pagdarasal, at gumugugol mula sa anumang Aming ipinagkaloob sa kanila,

At sa mga naniniwala sa kung ano ang ipinahayag sa iyo, [O Muhammad], at kung ano ang ipinahayag bago sa iyo, at sa Kabilang Buhay sila ay tiyak [sa pananampalataya]. (Surat Al-Baqarah, 2/2-4)


 

1