Ang Propeta Muhammad (s.a.w.)
Sino si Muhammad (s.a.w.)?
Noong 571 AD, isang bata ang ipinanganak sa isang marangal na pamilya mula sa propetikong angkan ni Ismael, anak ni Abraham, sa Makkah (Mecca) sa Tangway ng Arabia (Arabian Peninsula). Ang kanyang pangalan ay Muhammad, “ang pinupuri.” Siya ay naulila sa murang edad; kaya naman naunawaan niya ang kalagayan ng mga ulila at ng mga mahihirap. Lumaki si Muhammad (s.a.w.) na isang binatang may namumukod tanging pagkatao. Prinotektahan siya ng Makapangyarihang Allah mula sa mga kasamaan ng pamumuhay ng mga Arabo sa panahon ng Kamangmangan (Jahiliyya) tulad ng pag-inom ng alak, pakikiapid, at pagnanakaw. Siya ay kilala bilang al-Amin, ang mapagkakatiwalaan, dahil ipinagkatiwala sa kanya ng mga tao ang kanilang mga mahahalagang bagay. Bago pa man ang Islam, si Muhammad (s.a.w.) ay interesado na sa mga problema ng kanyang lipunan at hinangad ang pagtatatag ng kabutihan sa lipunan, tulad ng pagpigil sa mga kawalang-katarungang ginagawa laban sa mga dayuhang mangangalakal.
Pagka-propeta
Sa edad na 40, natanggap niya ang kanyang unang rebelasyon mula sa Allah noong ika-siyam na buwan ng kalendaryong lunar, ang Ramadan, na inihatid ni Arkanghel Gabriel. Ang unang mensaheng ipinahayag sa kanya ay, “Bumasa sa ngalan ng iyong Panginoon, na siyang lumikha sa iyo!” Kaya’t sa Islam, ang paraan ng pamumuhay na isinugo si Muhammad upang ito’y ituro, ay binibigyang diin ang pagkuha at pagpapalaganap ng kaalaman mula nang ito ay mabuo.
Nakatanggap siya ng mga rebelasyon sa loob ng dalawampu’t tatlong taon. Pinangalanan ng Allah na “Qur’an”, ang aklat na ito ito ay para sa lahat ng sangkatauhan at may pangunahing mensahe: paniniwala sa kaisahan ng Allah, ang Tagapaglikha; Kanyang mga anghel; Kanyang mga sugo; Kanyang mga Aklat; ang Araw ng Paghuhukom; at ang Kanyang Banal na Atas sa lahat ng Kanyang nilikha.
Sa unang labintatlong taon ng kanyang pagiging propeta, inanyayahan niya ang mga tao na talikuran ang pagsamba sa diyus-diyosan at maniwala sa Isang Diyos. Ang unang mananampalataya ay ang asawa ng Propeta, si Khadijah, na kilala’t iginagalang bilang “ina ng mga Muslim”. Sa kasamaang palad, habang inihahatid niya ang mensaheng ito, itinuring siya ng mga taga-Makkah bilang isang panganib sa kanilang paraan ng pamumuhay, lalo na sa pagsamba sa diyus-diyosan. Habang nananawagan siya para sa mga karapatan ng mahihina, nahatak niya ang galit at poot ng malakas. Ipinagtanggol nya ang mga mahihirap at inaapi.
Upang hikayatin siyang talikuran ang kanyang pananampalataya at tungkulin na pagka-propeta, ginamit ang lahat ng uri ng mga pakana tulad ng panunuhol, pagpapahirap at pagtataboy. Sa kabila ng lahat ng mga pang-aabusong ito, wala sa kanyang mga tagasunod ang tumalikod sa Islam. Noong 622 AD, nakatanggap si Muhammad (s.a.w.) ng utos mula sa Allah na lumipat sa Madina, isang lungsod sa hilaga ng Makkah. Ang kaganapang ito ay napakahalaga na ang kalendaryong Islamiko ay nagsisimula sa pangingibang-bayang ito (hijrah). Sa Madina, ang mga Muslim ay naging isang nagkakaisang lipunan. Mas maraming tao mula sa bawat relihiyon, tribo at lahi ang yumakap sa Islam. Ang mga tao mula sa lahat ng bahagi ng bayan ay naantig sa namumukod-tanging pagkatao at habag ng Propeta.
Walong taon matapos ang hijrah, si Propeta Muhammad ay bumalik sa Makkah kasama ang isang hukbong 10,000 katao sa ilalim ng mahigpit na kautusang walang dadanak na dugo, walang paghihiganting isasagawa. Magalang siyang pumasok sa Makkah na nakasakay sa kanyang kamelyo na nakayuko nang husto na ang kanyang ulo’ ay halos nakapatong na sa leeg ng kanyang kamelyo. Sa kanyang pagpasok sa lungsod, sinabi niya sa mga taga Makkahna naninirahan dito: “Sinasabi ko sa inyo ang sinabi ni Propeta Joseph (Yusuf) sa kanyang mga kapatid, ‘Sa araw na ito, walang paninising ibibigay sa inyo. Nawa’y patawarin kayo ng Allah. Kayo ay malaya na.’
Noong sumunod na taon sa panahon ng Hajj o paglalakbay sa sagradong lugar, nagbigay siya ng kanyang huling sermon kung saan sinabi niya:
“Dapat na nating talikuran ngayon ang mga gawain ng kamangmangan. Dapat nating putulin ang lahat ng kaugnayan sa interes o pagpapatubo. Dapat manaig ang katarungan, at walang sinuman ang dapat maapi kailanman. Lahat ng tao ay pantay-pantay mapa- itim o puti, mayaman o mahirap, Arab o hindi Arabo. Ang bagay na nagpapaiba sa atin sa isa’t isa ay ang kabanalan; dapat ay mawala na ang paganismo...”
Sa panahong ito, ang sumusunod na bersikulo ay ipinahayag sa kanya: “Sa araw na ito ay Aking ginawang ganap para sa inyo ang inyong relihiyon at binuo ang Aking pabor sa inyo at pinili para sa inyo ang Islam bilang relihiyon...” (Qur’an, 5/3).
Si Propeta Muhammad (s.a.w.) ay pumanaw noong 632 at inilibing sa Madina, Saudi Arabia.
1