Ano ang Islam?
Ang “Islam” ay isang salitang Arabo na nangangahulugang kapayapaan at pagpapasakop. Ang isang nagsasanay na Muslim ay nagsisikap na magpasakop nang buong puso sa Diyos, sa gayon ay makakamit ang kapayapaan sa buhay na ito gayundin sa kabilang buhay. Ang “Muhammadanismo” (Mohammedanism) ay isang maling pangalan para sa Islam at lumalabag sa mismong diwa at mensahe nito.
Ang Islam ang pinakahuli sa tatlong relihiyong Abrahamiko, na ang dalawang nauna ay Hudaismo at Kristiyanismo. Dahil dito, ito ay isang relihiyong batay sa rebelasyon na nagbabanggit ng paniniwala sa Isang Diyos at sa gabay na ipinahayag ng Diyos sa mga propeta. Ang mga propeta ng Islam ay kinabibilangan nina Abraham, Moises, Solomon, at Hesus: kung kaya’t ang Islam ay hindi isang bagong relihiyon kungdi ang panghuli at katuparan ng parehong pangunahing katotohanan na ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng lahat ng Kanyang mga propeta sa bawat bayan (Qur’an, 3/84).
Bandang taong 610 AD, isang lalaking nagngangalang Muhammad ang gumugugol ng oras mag-isa sa kuweba ng Hira kung saan siya’y regular na dumadayo at nagpapakalayo mula sa pagmamadali ng abalang bayan ng kalakalan ng Makkah upang pagnilayan ang mga misteryo ng buhay. Si Muhammad (s.a.w.) ay kilala bilang “ang mapagkakatiwalaan” sa kanyang mga kaibigan at kapamilya dahil sa kanyang palagiang dalisay at tapat na pakikitungo sa iba. Malapit na sa pagtatapos ng lunar na buwan ng Ramadan, noong gabi na ngayo’y kilala at ipinagdiriwang bilang ang Gabi ng Qadr nang ang mga rebelasyon ng Qur’an ay nagsimulang ihatid sa pamamagitan ng Arkanghel Gabriel kay Propeta Muhammad (s.a.w.). Patuloy siyang nakatanggap ng mga rebelasyong ito sa loob ng dalawampu’t tatlong taon. Ang mga bersikulo ay isinaulo at isinulat ng mga kasam’t tagasunod ni Propeta Muhammad (s.a.w.), at ito rin ang Aklat (ang Qur’an) na binabasa ng mga Muslim ngayon.
Bilang karagdagan sa Qur’an, ang mga Muslim ay may mga talaan ng buong buhay at mga gawain ng Propeta (sunnah). Kabilang dito ang mga bagay tulad ng paraan ng pagdarasal at wudhu o paghuhugas ng katawan para sa pagsamba, ang mga detalye kung paano isagawa ang Hajj o ang paglalakbay sa banal na lugar ng mga Muslim, at marami pang ibang gawain na naglalarawan ng paniniwala sa isang Diyos. Mayroon ding mga kasabihan at gawain ng Propeta na nasaksihan ng mga tao noong panahong iyon at naisalaysay at naitala. Ang mga ito ay kilala bilang hadith at nagsisilbing gabay kung paano isabuhay ang relihiyong Islam.
sallallaahu alayhi wassallam: sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala; ito ay sinasabi ng mga Muslim bilang panalangin tuwing mababanggit ang mahal na Propeta.
1